Patay ang isang rider na tumakas sa Oplan Sita at kinuyog ng taong bayan, matapos siyang makipagbarilan sa mga pulis sa Makati City. Ang rider, napag-alamang lider ng criminal group.
Sa ulat ni Nico Waje sa ''24 Oras Weekend'' nitong Sabado, makikita ang pagtakas ng rider sa Poblacion, Makati City, kaya hinabol siya ng isang nagmalasakit na motorcycle taxi rider.
Ilang saglit pa, naalarma na rin ang iba pang bystander at sunod nang humabol sa rider.
Umabot ito sa pagkuyog ng taong bayan sa rider, ngunit nagpulasan sila nang bumunot na siya ng baril.
Tinangka siyang pasukuin ng pulisya, ngunit sa halip magpaaresto, nakipagmatigasan siya, at itinututok ang baril sa mga rumerespondeng awtoridad.
Dito na pinaputukan ng mga pulis ang suspek.
Kinilala ang suspek na si Peter James Aviles, na lider ng Aviles Criminal Group at matagal nang wanted sa Manila Police District.
Isinugod pa sa ospital ang suspek, pero idineklarang dead on arrival.
Kalalabas lang ng suspek sa kulungan sa kasong frustrated homicide, attempted robbery, at direct assault pero nananatili itong wanted matapos muling magnakaw.
Pinaghahanap pa ng MPD ang mga kagrupo ni Aviles. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News