Pinag-aaralan ng Land Transportation Office (LTO) na alisin na ang online comprehensive examination para sa mga magre-renew ng driver's license upang mapadali ang proseso sa pagkuha ng lisensiya.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing ipinaalam ni LTO officer-in-charge Hector Villacorta, ang naturang plano sa ginanap na pagdinig ng Senado kamakailan tungkol sa e-governance.
"You do not unlearn driving. So why take an exam when you have to renew?," paliwanag ni Villacorta sa mga senador kaugnay sa planong alisin ang comprehensive exam sa mga magre-renew ng lisensiya.
Sinabi rin ni Villacorta na lalong dumami ang mga lumalapit sa mga "fixer" dahil maraming driver ang hindi computer literate o hindi bihasa sa mga transaksyon na nasa internet.
"Lalong nagka-fixer dahil karamihan ng nag-a-apply na driver hindi computer-literate. So lalong lumalapit doon sa mga, ‘Oh computer, computer, kami ang bahala, P2,000,’” anang opisyal.
Nauna nang sinabi ng dating namumuno sa LTO na planong bawasan ang mga tanong sa eksaminasyon dahil inaabot umano ng isang oras ang ibang sumasagot.
Samantala, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na umaabot na sa 690,000 ang backlog sa driver’s license.
Anang kalihim, nasa 70,000 cards na lang na ginagamit sa paggawa ng driver's license ang natitira. Pero inirereserba umano ito para sa mga aalis na overseas Filipino workers na kakailanganin ang driver's license sa abroad.
Para pansamantalang matugunan ang problema, pinalawig ng LTO ang bisa ng mga lisensiya. Ang mga mapapaso na dapat sa Abril ay puwede pang magamit hanggang sa katapusan ng Oktubre.
Tiwala naman ang mga opisyal na mareresolba rin ngayon taon ang problema sa kakulangan ng plastic ID sa lisensiya sa pamamagitan ng gagawing emergency purchase.--FRJ, GMA Integrated News