Naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa loob ng isang motel sa Quezon City ang isang lalaki na inirereklamo ng "sextortion" ng isang kolehiyala. Sa imbestigasyon, natuklasan ng mga awtoridad na aabot sa 20 na ang nabiktima ng lalaki.
Ayon sa ulat ni John consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si James Pelaez, na todo ang paghingi ng tawad sa kaniyang ginawa.
Sumbong sa NBI ng biktimang college student, nagkakilala sila ng suspek sa isang dating application.
Patago raw na ini-record ng suspek ang kanilang mga maseselan na video call, at ginamit na panakot ng suspek para maging sunud-sunuran ang biktima sa lahat ng kaniyang gusto sa loob ng isang buwan.
“Ilang araw po akong ‘di makatulog nang maayos. Hindi ako makakain dahil sa takot ko na may magawa akong ikagalit niya na bigla niyang ipakalat,” anang biktimang si “Yna,” 'di niya tunay na pangalan.
Inamin naman ni Pelaes ang ginagawang palihim na pag-record. Humingi siya ng tawad sa biktima.
“Humihingi ako ng awa ‘di po para sa akin kundi para sa future ng anak. Ayoko kasi lumaki siya na wala ako sa tabi niya,” pakiusap ng suspek.
Nababahala naman si NBI Cybercrime Division Chief Attorney Jeremy Lotoc sa suspek dahil lumilitaw umano na marami na itong nabiktima nang suriin ang kaniyang gamit.
“Alarmingly, nung tiningnan namin ang kaniyang device, marami pala siyang victim na, I think mga 20 plus,” ayon kay Lotoc.
Samantala, naaresto naman sa hiwalay na operasyon si Louie Alejandro, na makipagkita sa isang freelance model na biktima ng sextortion.
Taong 2021 umano nang ma-hack ang Facebook page ng biktima na itinago sa pangalang “Angel.” Pero ngayon lang daw may lumutang at nanghihingi ng pera kapalit ng hindi pagkakalat ng maseselan niyang video.
“Tutulungan daw niya ako na ipa-delete sa mga tropa niya sa telegram yung mga sellers tulad niya, tutulong ipa-delete yung sa akin,” pahayag ni “Angel.”
Paliwanag naman ng suspek, "‘Yung kaibigan niya, kaibigan ko rin. Sinabihan ko lang siya na may kumakalat na ganun. Nanghihingi ng P5,000 para sa video niya para hindi i-release.”
Sinampahan ng reklamong grave coercion, robbery extortion at paglabag sa Anti-Photo and Voyeurism Act ang dalawang suspek sa magkahiwalay na kaso. -- Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News