Umabot sa 20 residente ng Barangay Upper Bicutan sa Taguig ang naospital matapos umanong mabiktima ng food poisoning, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Kabilang ang 20 sa mahigit 40 na nakaranas ng mga sintomas ng food poisoning matapos kumain sa isang food stall. Ang ilan sa kanila ay mga estudyante.
'Yung mga hindi naospital ay ginamot ng mga tauhan ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit ng City Health Office.
Ipinasara muna ng lokal na pamahalaan ng Taguig ang food stall kung saan kumain ang mga biktima habang gumugulong ang imbestigasyon. Kumuha na rin ng food sample ang City Health Office para malaman kung ito nga talaga ang sanhi ng food poisoning.
Susuriin naman ng Sanitation Office ang water source ng naturang food stall.
Samantala, ayon sa staff ng Taguig-Pateros District Hospital kung saan dinala 'yung ilan sa mga biktima, bandang 2 a.m. ay inilabas na ang pinakahuling pasyente na dinala roon. —KBK, GMA Integrated News