Dead on the spot ang isang lalaki matapos siyang gilitan at pagsasaksakin ng isa pang lalaki sa Novaliches, Quezon City nitong Martes.
Nakilala ang biktima na si Vicente Labro, 39-anyos, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Nangyari ang insidente sa isang palengke mag-aalas-onse ng umaga.
Sa kuha ng CCTV na ibinahagi ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4, nakita ang biktima na nakikipag-usap sa isang lalaki. Sa likod niya ay may nakatayong isa pang lalaki, na matapos ang ilang segundo ay kumuha ng kutsilyo.
Bigla na lang lumapit ang suspek sa likod ng biktima at ginilitan niya ito sa leeg. Nasipa pa ng biktima ang suspek ngunit pinagsasaksak siya nito. Nagtamo ng walong saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Agad tumakas ang suspek.
May nagbigay naman ng impormasyon sa QCPD Station 4 na nagtatago ang suspek sa Norzagaray, Bulacan.
Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad.
"Dere-deretso 'yung follow-up operation natin. Halos magpang-abot 'yung suspek at ang mga pulis natin. Halos magkasabay na dumating doon sa bahay," ani Police Lieutenant Colonel Jerry Castillo, Novaliches Police Station commander.
Inaresto ng mga pulis ang suspek at nabawi sa kanya ang ginamit na kutsilyo.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nakikipag-inuman ang suspek kasama ang apat pang iba dahil mayroong may kaarawan sa kanila.
Bigla na lang daw dumating ang biktima na hindi nila kilala.
"May nasaktan sa mga nag-iinuman. Nag-init, nagkapikunan. Masama ang tingin," dagdag ni Castillo.
Aminado naman ang suspek na si Jumar Arceno na sinaksak niya ang biktima.
"Ginawa ko lang 'yon kasi para sa sarili ko kaysa ako 'yung paglalamayan," ani suspek.
Nang tanungin kung may kasalanan sa kanya ang biktima, ang sagot ng suspek ay: "Wala naman, sir. Bukod sa sinasampal-sampal 'yung ano, 'yung isa ko pang kaibigan na ano gusto rin niyang titirahin."
Sasampahan ng kasong murder ang suspek at ite-turn over siya sa Criminal Investigation and Detection Unit sa Camp Karingal. —KG, GMA Integrated News