Natukoy na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pinagmulan ng sunog sa makasaysayang Manila Central Post Office na umabot sa P300 milyon ang pinsala--baterya ng sasakyan.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabi ng BFP na aksidente ang nangyaring sunog.

Isang car battery umano na nasa Mega Manila Storage Room ang na-discharged at sumabog dahil na rin sa init.

May mga materyales din umano sa lugar na madaling magliyab gaya ng mga office supplies, thinner, at pintura.

Dahil dito, itinuturing ng BFP na "closed case" na ang sunog sa Manila Central Post Office.

Tinanggap naman ni Philippine Postal Corporation (PHLPost) Postmaster General Luis Carlos, ang resulta ng imbestigasyon ng BFP.

Itutuon na umano ng PHLPost ang atensyon nito sa recovery and rehabilitation ng gusali.

Nangyari ang sunog noong Mayo 21, na tumagal ng halos 30 oras bago naideklarang fireout. Halos 90 porsiyento umano ng gusali ang natupok.—FRJ, GMA Integrated News