Tila nag-shopping spree ang dalawang akyat-bahay matapos nilang tangayin ang sandok, arinola, pangrekado at iba pang kagamitan mula sa tahanan ng isang bagong kasal sa Quezon City. Ang mga suspek, hindi pa nakuntento at nagtawag pa ng ikatlong kasabwat.
Sa ulat ng GMA News Feed, nakunan sa CCTV video ang mga suspek na naglalakad habang karga-karga ang napakaraming kagamitan mula sa bahay ng mag-asawa.
Kabilang din sa kanilang mga tinangay ang rice cooker, kettle, electric fan, groceries at mga plato, ayon sa biktimang si alyas Rex.
Tila halos walang itinira sa bahay ang mga suspek, ngunit hindi pa sila nakuntento kaya bumalik at nagtawag pa ng ikatlong kasamahan.
Pero sa pagkakataong ito, nahuli na sila ng mga pulis.
Saad ng lalaking biktima, umalis sila ng kaniyang asawa ng bahay para ihanda ang isa pa nilang bahay sa pananalasa ng Bagyong Betty.
Posibleng nakapasok ang mga salarin sa bahay nang ilusot ng isa sa kanila ang kamay sa bintana.
“Napadaan po kami roon, nakita po naming nakabukas, kaya pinasok na lang po namin,” ayon sa suspek na si Mark Alvin Pomajeros.
“Sir may pambenta rin po,” sabi ni Wilfredo Ablan, ang suspek na kumuha umano ng arinola.
“Malaking pagsisisi po sir, kasi mga bata pa ang mga anak ko eh,” sabi ng suspek na si alyas Richard.
Nahagip din sa CCTV ang ginawang pagdakip ng pulisya sa mga suspek, na nasa harap noon ng isang bahay.
May mga dati na ring kaso ang mga suspek, base sa record ng Quezon City Police District.
Nabawi mula sa kanila ang ilan sa kanilang mga ninakaw, pero posibleng matagal-tagal pa umano bago maibalik ang kapayapaang pag-iisip ng babaeng biktima.
“‘Yung asawa ko natatakot. Traumatized po siya sa nangyari kasi paano po kung nandoon kami? Hindi po namin alam kung ano ang mangyayari sa aming dalawa,” sabi ni alyas Rex. — VBL, GMA Integrated News
Mga akyat-bahay, tinangay ang sandok, arinola at pangrekado mula sa bahay ng bagong kasal sa QC
Mayo 30, 2023 2:46pm GMT+08:00