Arestado ang isang lalaki matapos niyang buksan ang pinto ng sinasakyan niyang eroplano, na lalapag na sana sa loob lamang ng ilang minuto sa airport sa Daegu City, South Korea. Ang 12 sa mga pasahero, nagtamo ng minor injuries dahil sa hyperventilation.
Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood ang video na kuha ng isa sa mga pasahero na nakabukas ang isang pinto ng Asiana Airlines habang nasa ere pa ito.
Ligtas naman ang naging paglapag ng eroplano, na nanggaling sa Jeju Island.
Sinabi ng Daeugu Fire Department na 12 katao ang nagtamo ng minor injuries dahil sa hyperventilation at siyam sa kanila ang isinugod sa ospital.
“I thought the plane was going to explode. It looked like passengers next to the open door were fainting,” sabi ng isang pasahero.
Dinakip ang lalaking nagbukas ng pinto ng eroplano, na iniimbestigahan na sa mga posibleng paglabag sa aviation safety laws.
Sinabi naman ng transport ministry ng South Korea na iniimbestigahan din nila kung nasunod ng Asiana Airlines ang protocols para maasikaso nang tama ang emergency exits.
Ayon naman sa opisyal ng airlines, posibleng mabuksan ang emergency exit kapag malapit na ito sa lupa dahil nagiging magkatulad na ang pressure sa loob at labas ng eroplano.
Lalapag na ang eroplano sa loob ng dalawa hanggang tatlong minuto nang buksan ng lalaking nakaupo malapit sa emergency exit ang pinto.
Nasa 200 metro umano ang pagitan ng eroplano sa lupa habang nakabukas ang pinto.
Hindi siya naawat ng mga crew ang lalaki dahil naka-seatbelt na silang lahat bilang paghahanda sa paglapag ng eroplano.
“It is particularly dangerous during landing and takeoff, so someone from the flight staff should have stopped that passenger,” sabi ni Professor Son Myong-Hwan, ng aviation maintenance department ng Sehan University. —LBG, GMA Integrated News