Nagsisisi at humihihingi ng tawad ang isang lalaki na inaresto dahil sa panununtok umano ng apat na kabataan na nakasagian niya sa Barangay Nagkaisang Nayon, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Martes, sinabing mga menor de edad ang tatlo sa mga biktima.
Paglalahad ng isa sa kanila, naglalakad silang magbabarkada para manood ng concert sa isang piyesta nang madaanan nila ang suspek na may kainuman.
Nabangga ng isa sa mga kaibigan ng mga biktima ang suspek, pero humingi naman sila ng paumanhin.
Pero noong pauwi na ang mga biktima sa panonood ng concert, dito na sila sinugod ng suspek at ng kaniyang kasamahan, kaya nagsitakbo sila palayo sa lugar.
Nagsumbong sa pulisya ang mga kaanak ng mga biktima kaya agad nadakip ang 27-anyos na suspek.
Hinahanap pa ang kaniyang kasamahan.
“Aminado naman po ako roon, pero isa lang po ‘yung nasuntok ko, at nagsisisi naman po ako kasi hindi ko naman talaga intensyon. Nakainom po ma’am, sir,” sabi ng suspek, na nahaharap sa reklamong physical injuries in relation to Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
“Humihingi po ako ng paumanhin sa kanila sa nagawa ko po, tsaka sa ibang mga magulang po na naperhuwisyo sa nangyari sa ginawa ko,” sabi ng suspek. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News