Aabot sa 2,500 na job vacancies ang naghihintay sa jobseekers na pupunta sa job fair na idinadaos ng lungsod ng Maynila ngayong araw ng Miyerkoles.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita, sinabing ang job fair ay nasa P. Guevarra St. corner Malabon St. ng Barangay 341 sa Sta. Cruz, Manila.
Nakatakdang magsimula ang job fair dakong alas-otso ng umaga at magtatapos alas-dose ng tanghali, pero maraming mga residente na ang maaga pang nagsidatingan, ayon sa ulat.
Sinabi umano ni Barangay captain Anne Christine Abella, ang director ng Liga ng mga Barangay, sari-saring mga trabaho raw sa iba't ibang mga kumpanya at negosyo ang mga inaalok sa Sta. Cruz job fair.
Iba't ibang mga posisyon gaya ng saleslady, cashier, janitor, at kung anu-ano pa ang naghihintay sa mga pupunta, dagdag ng ulat.
Batay umano sa mga karanasan nila sa nakaraang job fairs, may mga natatanggap on the spot.
Ayon sa ulat, base sa pinakahuling tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), mahigit 2,400,000 ang walang trabaho sa bansa, pero bumaba na raw ito sa ngayon. Mula 4.8% noong Febrero, bumaba na ito sa 4.7% ang unemployment rate noong Marso.
Ayon naman umano sa pahayag ng Department of Budget and Management (DBM), malaking ginhawa raw ito mula sa 5.8% na naitala sa parehong buwan noong 2022, dagdag ng ulat.
Para sa mga dadalo, kailangan lamang umanong magdala ng 10 kopya ng resume, magsoot ng casual attire at magdala ng sariling ballpen. —LBG, GMA Integrated News.