Hindi mga gamot, kundi mga naglalakihang linta ang ginagamit ng isang 60-anyos na ginang sa England para malunasan ang kaniyang arthritis at sakit sa tuhod. Ang kaniyang anak, may 35 na alagang linta na pinakakain niya ng sariling dugo.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing ang mga malalaking linta ang regular na sumisipsip sa dugo na si Luisa Bailey.
“In my finger, that was where it started. I put them there and it was alright. And then I did them on my knees as well and that helped with the pain,” sabi ni Bailey.
Nagsimulang mag-alaga ang anak ni Bailey na si Marie dalawang taon na ang nakararaan, kabilang na rito ang isang Asian Buffalo leech, na ikalawang species sa mundo na umaabot ng 20 sentimetro ang haba.
Pinakakain ngayon ni Marie ng kaniyang sariling dugo ang 35 na alaga niyang mga linta.
Nadiskubre niya kalaunan ang maganda umanong epekto ng mga linta sa arthitris ng kaniyang ina.
“They’re medicinal leeches, so when my mom has issues with her knee she feeds them. She has arthritis in her fingers. If I feed the leeches on her fingers, the pain goes away for three to four months,” sabi ni Marie.
May anticoagulant property ang mga linta na kayang panipisin ang dugo ng isang tao, ayon sa mga doktor.
Marami na ring pagamutan ang gumagamit ng leech therapy na isinasagawa kada anim hanggang walong buwan.
Dalawang beses sa isang taon lang umano kumakain ang mga linta kaya iniikot ni Marie ang schedule ng mga ito.
Masakit man sa una ang kagat ng mga linta, namamanhid naman ito matapos ang ilang segundo.
“I like knowing the things about them that I do. And I like educating people on what they are actually like so it changes their perspective of them. Because I know that they are not blood-seeking monsters at the end of the day,” sabi ng 35-anyos na si Marie. — DVM, GMA Integrated News