Nag-viral kamakailan sa social media ang larawan ng ilang sikat na personalidad sa Amerika gaya nina Tom Cruise, Dwayne Johnson, at former US President Donald Trump habang nasa palengke gaya ng Divisoria. Pero ang totoo, 'di totoo ang mga larawan.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nagawang "makarating" sa palengke ng mga sikat na American personalities dahil sa artificial intelligence (AI) image generating software.
Ang mga larawan, gawa ni Jon Oraña, isang AI at business consultant.
"Pag sinabi kasi natin sa mga kababayan nating AI, artificial intelligence, nosebleed, walang papansin sa atin. Papaano ba natin sila ma-e-educate? E, 'di bigyan natin ng magpapasaya sa lahat, e 'yun ang nangyari gumawa tayo ng images na 'di nila inaasahan," paliwanag ni Oraña.
Paglilinaw ni Oraña, ginawa niya ang mga larawan bilang kasiyahan lang.
"'Yung ginawa naman natin is entertainment. Naging malinaw naman tayo sa post na these are AI generated," dagdag niya.
Ang tech editor na si Art Samaniego, nagpakita ng sample demonstration kung papaano magagawang nagba-basketball si Tom Cruise sa pamamagitan din ng AI.
Bagaman maaari umanong makapagbigay ng oportunidad sa iba ang naturang modernong teknolohiya, may peligro rin na magamit ito sa hindi maganda, lalo na sa panahon ngayon na laganap ang mga maling impormasyon.
"Ang technology kasi puwede magamit sa masama so double edged sword ito e," ayon kay Samaniego. "Kailangan magkaroon ng policy talaga at ng regulation ang mga bansa para 'di maabuso ang AI. Napaka powerful ng AI o artificial intelligence."
Ayon kay Ronald Gustilo ng Digital Pinoys, isang network ng digital advocates, pasok sa anti-cybercrime law ang mga magsasamantala at gagamitin sa kalokohan ang AI.
"Sa pagtingin natin at sa pagkonsulta natin sa legal experts, covered naman 'yan, lalo na 'yung mga libelous na images na puwede i-generate," pahayag niya. —FRJ, GMA Integrated News