Sugatan ang isang rider nang mawalan siya ng kontrol sa minamanehong motorsiklo makaraang mahagip ang isang kambing na biglang tumawid sa kalsada sa Bantay, Ilocos Sur. Ang hayop, namatay.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa national highway sa bahagi ng Barangay Banaoang.
Nagtamo ng mga galos sa katawan ang rider dahil sa sakuna. Hindi naman pinalad na mabuhay ang kambing.
Ayon sa mga awtoridad, inaalam pa kung sino ang may-ari ng kambing na wala na umanong kumuha sa katawan nito.
Maaaring umanong managot ang may-ari ng mga hayop na magpapabaya at pagmumulan ng sakuna.
Samantala, tatlo ang sugatan nang magbanggaan ang dalawang motorsiklo sa Mangaldan, Pangasinan.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang isang motorsiklo na may sakay na dalawang tao na binabagtas ang kalsada ng Barangay Salay.
Maya-maya lang, isang motorsiklo na isa ang sakay ang mabilis na dumating at nasagi nito ang nauunang motorsiklo.
Parehong sumemplang ang dalawang motorsiklo, at nasugatan ang tatlong sangkot sa aksidente.
Nauwi umano sa areglo ang nangyaring sakuna.--FRJ, GMA Integrated News