Matapos ang apat na araw na pagtugis, nadakip na ng mga awtoridad sa Texas ang suspek na bumaril sa kaniyang kapitbahay na nagresulta sa pagkamatay ng lima katao--kabilang ang isang bata na walong-taong-gulang.
Sa ulat ng Reuters, sinabi ni San Jacinto County Sheriff Greg Capers na nakatanggap sila ng "tip" sa bahay na pinagtataguan ng suspek na si Francisco Oropesa, 38-anyos, isang Mexican national, at apat na beses nang pina-deport mula pa noong 2009.
Inabutan umano si Oropesa na nagtatago sa mga labahin.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na sinaway ng ilan sa mga biktima ang suspek sa Cleveland, Texas, dahil sa ingay na idinudulot ng pagpapaputok nito ng baril.
Matapos isagawa ang krimen noong Biyernes ng gabi, tumakas ang suspek.
Mula naman sa Honduras ang mga biktima na magkakasamang naninirahan sa isang bahay.
Naglabas ng $80,000 reward ang mga awtoridad para mahanap siya.
"He is behind bars, and he will live out his life behind bars for killing those five," ani Capers na nagsabing $5 million ang magiging piyansa ng suspek para sa five counts of murder.
Kasamang tumugis sa suspek ang Federal Bureau of Investigation, US Marshals Service, Texas Department of Public Safety at US Border Patrol Tactical Unit.
Ayon kay FBI Assistant Special Agent in Charge Jimmy Paul, naaaresto si Oropesa, 15 minuto matapos matanggap ang tip.—Reuters/FRJ, GMA Integrated News