Tila paraiso ang bagong anyo ng isang underpass sa Quezon City na tinatawag na “QC Underparadisso,” tampok ang makukulay na iba’t ibang endangered flora at fauna ng bansa.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, makikitang hitik din sa kaalaman ang art installation sa pedestrian underpass na nagkokonekta sa Quezon City Hall at Quezon Memorial Circle.

Kabilang sa iba’t ibang artwork ang tamaraw, tarsier, Visayan spotted deer, at Philippine warty pig.

Bukod dito, meron ding painting ng Philippine eagle, Philippine crocodile, at Hawksbill turtle.

Kasama rin sa painting ang rafflesia, jade vine, waling-waling, at tukod-langit.

Nakasulat din sa pader ang paalala na dapat pangalagaan ang kalikasan.

Bahagi ito ng bagong art installation ng Quezon City government at Sentro Artista Art Hub.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News