Viral ang video sa ginawang pag-aresto ng mga pulis-Navotas sa isang nakasibilyang pulis-Maynila na nanapak umano ng traffic enforcer. Ang suspek, sinita umano ng biktima dahil walang prangkisa ang minamanehong tricycle.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, mismong ang hepe ng Navotas police na si Colonel Allan Umipig, ang nanguna sa pag-aresto sa suspek na si Master Sergeant Ramos Guina na nangyari noong Miyerkules.
Ayon sa traffic enforcer ng Navotas na si Mark Luzuriaga, pinapara niya si Guina dahil walang prangkisa ang minamaneho nitong tricycle.
Nang sandaling iyon, hindi alam ni Luzuriaga na pulis pala ang kaniyang sinita dahil nakasibilyan si Guina.
Tinakbuhan umano ni Guina si Luzuriaga kaya nagkaroon ng habulan na nauwi umano sa pananapak ng pulis sa nguso ng enforcer.
Ayon kay Luzuriaga, sinakal pa siya ni Guina, at nilabasan din umano nito ng baril ang kaniyang kasama.
Nang malaman ni Umipig na sinaktan ni Guina si Luzuriaga na nakauniporme ng traffic enforcer, iniutos niya na arestuhin ang pulis na nakasibilyan.
Nagkaroon pa ng tensiyon nang tumangging magpaaresto si Guina at ayaw nitong ibigay ang sling bag niya na may baril.
Desidido umano si Luzuriaga na ituloy ang kaso laban sa pulis na nahaharap sa reklamong assault upon an agent of a person in authority.
Depensa ni Guina, pinagmumura umano siya ng enforcer habang pinapara.
Tiniyak naman ng tagapagsalita ng Manila Police District na si Major Philipp Ines, na hindi nila kinukunsinte ang nasa kanilang hanay kapag nakagawa ng pagkakamali.--FRJ, GMA Integrated News