Patay ang 29 katao, na halos lahat ay mga pasyente, at 39 ang nasaktan matapos sumiklab ang isang sunog sa ospital sa Beijing, China, na maituturing na “deadliest fire in 20 years” sa lugar.
 
Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood sa isang video ang isang tao na gumamit ng mga nakataling bed sheet para makatakas mula sa malaking sunog sa nasabing ospital.
 
Makikita pa sa video na na-trap din sa sunog ang ilan pang tao na nakalambitin sa gilid ng mga bintana.
 
Ilan din ang kumapit sa airconditioning compressor habang naghihintay ng tulong.
 
Umabot sa kalahating oras ang pag-apula sa apoy.
 
Bukod sa mga pasyente, may pumanaw ding nurse, care worker at kaanak ng pasyente.
 
Ayon sa imbestigasyon, nagliyab ang apoy sa bahagi ng ospital kung saan naroon ang critically ill patients o mga may malulubhang kondisyon.
 
Nag-ugat umano ang sunog sa inflammable o madaling masunog na painting material o gamit sa pagpipintura, na nasilaban umano ng baga mula sa welding habang nire-renovate ang isang ward.
 
Kinukumpirma pa ito ng imbestigasyon.
 
Sinabi ng mga awtoridad na ito ang pinakanakamamatay na sunog sa Beijing sa nakalipas na 20 taon, matapos umabot sa 39 ang nasaktan sa sunog, kung saan ang ilan ay kritikal ang kondisyon.
 
Nabilanggo ang nasa 12 tao dahil sa kapabayaan, kasama na ang direktor ng ospital, construction workers at ang pinuno ng mga trabahador.
 
Siniguro naman ng mga awtoridad na mananagot ang sinumang mapatutunayang nagpabaya sa insidente.  —VBL, GMA Integrated News