Iginiit ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. nitong Lunes na walang planong pagtakpan ang pagkakabisto ng P6.7 bilyong halaga ng shabu na nasabat sa raid sa isang pulis. Taliwas ito sa inihayag ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. noong nakaraang linggo.
Sa press conference sa Camp Crame, sinabi ni Azurin na walang pagtatangka na patagalin ang ginagawang imbestigasyon sa kaso ni Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr., na nahulihan ng mahigit 900 kilo ng shabu noong Oktubre 2022 sa Maynila.
Sinibak na tungkulin si Mayo na dating miyembro ng Police Drug Enforcement Group (PDEG).
“Why start a fact-finding group in the first place if there was no intent to dig deeper in the drug mess, which obviously continued to persist through the years,” ayon kay Azurin.
“The SITG’s (Special Investigation Task Group) finding will prove wrong the critics claim that there was an attempt to derail the investigation,” dagdag pa niya.
Nang tanungin si Azurin kung bakit ngayon lang siya nagsalita, isang linggo matapos sabihin ni Abalos na may nagpaplanong cover-up sa kaso ni Mayo, paliwanag ng hepe ng kapulisan, "Ang reason diyan is 'pag ako kasi ang humarap kaagad, I have to give 'yung mga ibang naakusahan their time to also explain their side. Kaya nga inuna natin si Colonel Domingo because he also has something to say."
Si Police Brigadier General Narciso Domingo ang dating director ng Drug Enforcement Group (PDEG), na inalis na sa puwesto habang patuloy ang imbestigasyon sa pagkakasabat sa P6.7-bilyon halaga ng shabu, na itinuturing pinakamalaking drug bust ng PNP.
Ayon kay PNP Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) director Police Major General Eliseo Cruz, maaaring maharap sa mas mabigat na pananagutan si Domingo dahil sa usapin.
Naging kontrobesiyal ang pagkakahuli kay Mayo at pagkakatuklas ng droga dahil sa mga nakitang mga opisyal at tauhan ng PNP na nagtungo sa lugar kung saan nahuli si Mayo.
May mga alegasyon din na may mga shabu na kinuha mula sa nasabat na droga, at nakita sa CCTV camera na umalis sa lugar si Mayo at inalisan ng posas.
Samantala, sinabi ni Azurin na hindi patas o makatwiran na isinapubliko ang mga pangalan ng mga matataas na opisyal ng PNP, partikular ang mga heneral, na sinasabing sangkot sa kontrobersiya.
"It's very unfair because we are accusing generals, ano ho ang ebidensya natin? Benjie Santos was there because I directed him to go there to supervise, magbigay ng instruction sa imbentaryo. It's very unfair to him talaga," ani Azurin.
"We really need to observe due process because these generals that are being accused," dagdag niya.
Nauna nang iniulat na nasa siyam na police officials ang pinag-leave habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Ayon kay Azurin, nakausap na niya si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. tungkol sa isyu, at iginiit niya na hindi niya pinoprotektahan si Mayo.
"I don't want to be disrespectful to our President. Before I face you, sinabi ko na 'yung ano... sinagot ko na 'yung mga issues na I'm covering up for Mayo," patuloy niya.
Nakatakdang magretiro si Azurin sa Abril 24, at sinabi dapat maging maingat si Marcos sa pagpili ng papalit sa kaniya.
Apela kay Abalos
Kasabay nito, umapela si Azurin kay Abalos na ituon ang atensiyon sa "real enemy.”
“Let us focus on the real enemy. Let me call also the attention of our kind SILG to take a second look on the people who may be feeding him misinformation to cast doubt on the integrity of the PNP organization,” hiling ni Azurin.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ang panig ni Abalos.
Hiniling din ni Azurin kay Abalos na magtiwala sa organisasyon ng kapulisan.
Inilarawan ni Azurin ang relasyon nila ni Abalos pagdating sa trabaho bilang "very professional." Kinikilala ng PNP chief ang hangarin ng DILG secretary na alisin ang droga sa bansa.
"We don't let whatever differences we have to affect our work," ani Azurin.—FRJ, GMA Integrated News