Sugatan ang dalawa sa tatlong sakay ng isang motorcycle taxi matapos silang ma-hit and run ng isang sasakyan sa Las Piñas City.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood sa CCTV ng Brgy. Talon Uno na nakatigil ang mga biktima sa intersection ng Alabang-Zapote Road dahil naka-pula pa ang traffic light.

Ilang saglit pa, may isang puting sasakyan na dumaan at bumangga sa kanila, kaya napahiga sa kalsada ang mga biktima.

Sa halip na tumigil, humarurot ang sasakyan at umalis.

Natanggal ang bumper ng sasakyan sa lakas ng pagkakabangga kaya naplakahan ito ng mga biktima.

Nagkasugat sa likod ng braso ang dalawa sa mga biktima.

Hindi pa makapasok ang mga biktima sa trabaho dahil sa sakit ng katawan.

Narekober na ng mga awtoridad ang sasakyan na nakasagasa sa tatlo pero patuloy na hinahanap ang driver ng kotse. —LBG, GMA Integrated News