Nakakita ang isang residente ng dalawang bomba sa mga gamit ng kanyang yumaong ama sa kanilang bahay sa Sampaloc, Maynila.

Iniulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Beyernes na matapos ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang tungkol sa mga bomba, agad na nagsagawa ng threat assessment ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa isang bahay sa Barangay 478 sa Sampaloc.

Ayon kay Vin Orias, ang residenteng nakakita ng mga bomba sa loob ng kanilang bahay,  nililinsan niya niya ang mga gamit ng kanyang ama na namatay noong nakaraang taon.

Aniya, laking gulat nila ng mga kasama niya sa bahay dahil hindi nila alam na may mga bombang itinago ang kanilang ama.

Aniya, engineer ang kanyang ama na nagtrabaho sa isang kumpanya na nagsagawa ng oil explorations.

Base sa pagsusuri ng MPD, para sa 81mm mortar ang mga bomba, na maaaring nakuha ng ama ni Vin sa mga minahan kung saan siya nagtatrabaho.

Lubha umanong mapaminsala ang ganoong uri ng bomba kaya mabuti umanong isinurender ito sa kanila, ayon sa MPD.

Hindi umano mahaharap sa anumang reklamo ang pamilyang nag-surrender ng mga bomba dahil "in good faith" ang pagbigay nila sa mga awtoridad, ayon sa ulat.

Pero nilinaw ng MPD na bawal na bawal ang pagtatago ng anumang uri ng pampasabog.

"Authorized personnel lamang ang dapat may hawak ng mga ganito," ayon kay Police Lt. Leo Limbaga, Manila DECU chief. —LBG, GMA Integrated News