Nadaganan ng puno ang isang mamahaling sasakyan sa Pasay City na may sakay umanong apat na Chinese, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes.
Ayon sa otoridad, agad na tumakas ang mga sakay ng puting luxury car matapos ang insidente, na naganap sa center island sa Macapagal Boulevard pasado 2 a.m.
Wasak ang sasakyan at may mga bakas ng dugo rito pati na sa kalsada.
Ayon kay Ambrosio Payumo ng Pasay Traffic and Parking Management Office, sumampa ang kotse sa center island at nahagip nito ang puno.
"May naabutan akong isang Chinese na nakaupo, bale parang entrance ng parking area iyon, basag iyong nguso. Nung tinatanong ko kung ano ang nangyari at hinahanapan ko ng lisensiya, puro senyas ang ginagawa sa akin. Hindi ko malaman kung hindi nila ako maintindihan o takot sila magsalita," kuwento ni Payumo.
Batay sa imbestigasyon ng Pasay Traffic and Parking Management Office, mabilis ang takbo ng kotse at posibleng nakainom pa umano ang driver.
Hinahanap pa ang mga pasahero ng kotse habang patuloy ang imbestigasyon sa aksidente. —KBK, GMA Integrated News