Inireklamo ng isang taxi driver sa Makati City ang kaniyang pasahero na imbes na magbayad ay nanghingi pa umano ng P100, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes.
Bukod sa panghihingi ng pera, nagpanggap din daw na pulis ang pasaherong kinilalang si Leonard Atienza.
Bagama't hindi tunay na pulis, may police uniform, police cap at posas si Atienza, ayon sa ulat.
"Ang suspek na ito ay sumakay sa isang taxi. Nung malapit na sila dito sa may Ayala Center ay bumaba itong suspek natin pero bago ito bumaba tinanong niya itong taxi driver kung puwedeng makahingi sa kaniya ng P100," ani Police Colonel Edward Cutiyog, hepe ng Makati City Police.
Hindi iyon ang unang beses na ginawa ni Atienza ang modus, ayon kay Cutiyog. Una raw itong ginawa sa Cavite may dalawang taon na ang nakalilipas.
"Ganun din 'yung kaso niya but may pagka-robbery iyon. And then nakapag-bail po siya," kuwento ni Cutiyog.
Usurpation of authority at illegal use of uniform ang ikakaso kay Atienza, na tumangging magbigay ng pahayag. —KBK, GMA Integrated News