Parang eksena sa pelikula ang ginawang pagtugis ng mga awtoridad sa lalaking tumangay ng isang patrol car sa Los Angeles, California sa Amerika. At habang tumatakas, tumalon palabas mula sa humaharurot na patrol car ang suspek.

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabi ng pulisya sa Los Angeles na bago nito, nasangkot ang suspek sa banggaan na nirespondehan ng mga awtoridad.

Nang nag-iimbestiga na ang highway patrol, sumakay ang lalaki sa isa sa mga police mobile at pinaharurot ang kotse.

Habang nasa highway, makikitang bumigay ang gulong ng patrol car.

Sa mga sumunod pang pangyayari, binuksan na ng suspek ang pinto ng sasakyan at tumalon siya palabas.

Bumangga sa poste ng kuryente ang kotse.

Makikita sa video ang pagsaklolo ng mga humahabol na pulis sa lalaki, na binigyan ng CPR hanggang dumating ang paramedics.

Pero sinabi ng tagapagsalita ng highway patrol na patay na ang lalaki nang dalhin sa ospital dahil sa tinamong sugat sa ulo.

Hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng suspek.

Ayon sa mga lokal na ulat, posibleng tumalon ang lalaki dahil nawalan siya ng kontrol sa kotse matapos masira ang gulong ng sasakyan.

Iniimbestigahan na kung may pananagutan ang pulisya sa insidente.-- FRJ, GMA Integrate News