Nagpalibot-libot na tila namamasyal ang isang zebra sa isang komunidad matapos itong makawala sa kulungan sa zoo sa Seoul, South Korea.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing nakatakas ang zebra na si Sero sa Seoul Children's Grand Park Zoo nitong Huwebes, Marso 23.
Sinabi ng mga awtoridad na nakatakas si Sero matapos niyang sirain ang mga bakod sa kaniyang kulungan.
At nang makatakas, sunod na nakita si Sero na nagpapalibot-libot sa isang eskinita.
Ikinagulat ng mga residente na may palakad-lakad na zebra sa kanilang lugar. Umabot si Sero ng halos tatlong oras umano sa kaniyang pagiikot.
Pagkarating ng mga rescuer, ginamitan nila si Sero ng tranquilizer para kumalma ito at agad na mahuli.
Pagkatalab ng tranquilizer, agad nang tumumba si Sero.
Dito na nagtulong-tulong ang mga tao para buhatin ang zebra sa truck at ibalik sa zoo.
Sinabi ng pamunuan ng zoo na nasa mabuting kalagayan na si Sero.
Wala ring napaulat na nasaktan o nasirang mga ari-arian matapos makatakas ang zebra. —LBG, GMA Integrated News