Walang number-coding scheme sa National Capital Region (NCR) mula April 6 hanggang 10, mga araw na idineklarang holiday, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Biyernes.
Ang April 6 at 7 ay Maundy Thursday at Good Friday. Habang ang April 10, na Day of Valor [Lunes] ay isang regular holiday.
Sa Facebook post, sinabi ng MMDA na magtatag ito ng multi-agency command center (MACC) sa metrobase simula sa April 3 para matiyak ang payapa at mabuluhang paggunita ng Holy Week.
“Through this inter-agency action center, we can monitor real-time updates on bus terminals across Metro Manila to ensure safer travel of the commuting public and orderly traffic flow in our roads as we observe the Holy Week,” ayon kay MMDA acting chairman Atty. Don Artes.
Ang MACC ay bubuuin umano ng kinatawan mula sa MMDA, Department of Transportation, Department of Public Works and Highways, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Inter-Agency Council for Traffic, Land Transportation Office, Philippine National Police, at local government units, ayon sa MMDA.
Magpapatupad ng "No Day Off, No Absent Policy" ang MMDA sa kanilang ma tauhan sa April 5, 6, at 10, para matiyak na sapat ang kanilang puwersa sa naturang mga araw.
Magkakaroon naman ng skeletal deployment sa April 7, 8, at 9, na tututok sa mga lugar na pinagdadausan ng Visita Iglesia, kabilang ang Panata Route sa Antipolo at Grotto. —FRJ, GMA Integrated News