Kinumpirma ng Malacañang ngayong Biyernes na nagbitiw sa kaniyang puwesto si Sugar Regulatory Administration (SRA) chief David Thaddeus Alba.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), nitong Miyerkules ipinaalam ni Alba kay Executive Secretary Lucas Bersamin ang kaniyang pagbibitiw.
"ES Lucas Bersamin tried to persuade Alba not to resign, but he (Alba) reasoned out his worsening health condition," sabi ng PCO.
Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., sinabi ng PCO na magiging epektibo ang pagbibitiw ni Alba sa April 15 habang naghahanap ng kaniyang kapalit.
Sa panayam ng Dobol B TV nitong Biyernes din, sinabi ni SRA board member Pablo Luis Azcona na inihayag ang pagbibitiw ni Alba sa kanilang regular board meeting noong Lunes
"Kami sa board, we were informed last Monday during our regular board meeting na he submitted his resignation due to health reasons," ani Azcona.
"Hindi pa naman kami (Alba) nag-usap personally, pero ‘yun po ang alam ko [I haven't talked yet with Alba personally but that's what I know]," dagdag niya.
Nang tanungin kung may kinalaman sa usapin ng importasyon ng 400,000 metric tons ng asukal ang pagbibitiw ni Alba, sinabi ni Azcona na ang tangi niyang nabalitaan ay may problema ito sa blood pressure.
Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang Senado tungkol sa naturang ginawang pag-angkat ng asukal.—FRJ, GMA Integrated News