Pinayuhan ni Speaker Martin Romualdez si Negros Oriental Representative Arnie Teves na bumalik na sa Pilipinas at sagutin ang mga alegasyon laban sa kaniya, kabilang ang ilang krimen. Ang kongresista na kasalukuyang nasa Amerika, humiling umano na palawigin ang kaniyang travel authority na napaso na ngayong Biyernes, Marso 10, 2023.

Sa pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Romualdez na napaso na nitong Biyernes ang travel authority na ipinalabas ng Speaker’s office, na nagpapahintulot sa mambabatas na lumabas ng bansa.

“l advise Representative Arnie Teves to come back to the country as soon as possible. His authority to travel to the United States is covered only by the period February 28 to March 9, 2023. Clearly, the travel authority of Representative Teves has expired effective today,” ani Romualdez, lider ng mga kongresista.

“His travel outside the country beyond the period mentioned is no longer authorized by the House of Representatives. Makabubuti rin na umuwi si Cong. Arnie para harapin ang pagkakadawit ng pangalan ng kanilang pamilya sa pagkamatay ni Governor Roel Degamo.We all want to hear his side of the story,” dagdag ni Romualdez.

Binaril at napatay si Degamo noong Marso 4 sa kaniyang bahay ng mga armadong lalaki. Walong iba pa ang nasawi at 17 ang nasugatan.

Ilan sa nadakip na suspek ang nagsabi na isang “Cong Teves” umano ang nag-utos na patayin si Degamo.

May isinampa ring kasong murder ang pulisya laban kay Teves kaugnay sa insidente ng patayan noong 2019.

Nauna nang iniulat na for medical reason ang pagpunta ni Teves sa Amerika.

Nitong Biyernes, sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco, na hiniling umano ni Teves sa pamamagitan ng chief of staff nito na palawigin ang travel authority ng kongresista.

Pero hindi pa raw matugunan ang naturang kahilingan ni Teves dahil sa kakulangan ng mga impormasyon.

“Nakalagay lang sa request ng chief of staff, pinapa-extend yung trip, personal trip ni (Rep. Teves) up to April 9. Tapos nakalagay roon, Europe at saka Asia, Southeast Asia if i’m not mistaken. We cannot act on it 'pag walang specific countries,” paliwanag ni Velasco.

Tiniyak naman ni Atty. Ferdinand Topacio sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Biyernes, na hindi magtatago at haharapin umano ng kliyente niyang Teves ang mga alegasyon na ibinabato sa mambabatas.

“Ang ina-assure niya po sa akin ay haharapin niya po itong mga kasong ito and titingnan lang po natin kasi masyadong mabilis naman po yung developments,” ayon kay Topacio.-- FRJ, GMA Integrated News