Sinabi ng tagapagsalita ng Department of Justice na inatasan din ni Secretary Jesus Crispin Remulla ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagkamatay ng isang estudyante sa Cebu dahil din umano sa fraternity hazing.
Ayon kay Justice spokesperson Mico Clavano, ibinigay ni Remulla ang direktiba kay NBI director Medardo De Lemos, kaugnay sa pagkamatay ng Cebu engineering student na si Ronnel Baguio.
Nauna nang iniutos ni Remulla sa NBI na tumulong sa imbestigasyon sa nangyari sa Adamson student na si John Matthew Salilig.
Pinaniniwalaang namatay dulot ng hazing si Salilig, at nakita ang bangkay niya sa mababaw na hukay sa Cavite kamakailan matapos na ilang araw na mawala.
“Kumbaga sabay po 'yung naging instruction ni SOJ to conduct an investigation with regards to the Cebu incident and the incident here in Manila,” ayon kay Clavano, sa ambush interview nitong Biyernes.
Samantala, inihayag ng Philippine National Police (PNP) na plano na nilang magsampa ng kaso laban sa mga suspek sa pagkamatay ni Baguio.
Sa public briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, na may testigo nang lumutang nitong Huwebes at nagbigay ng mga impormasyon tungkol sa sinapit ng biktima sa Cebu.
"Yung kaso po ng hazing doon sa Cebu ay nangyari po yaan noong December 2022. Subalit po nai-report yan a day after tumawag ang isang ospital doon sa ating station na sinasabing may possible victim ng hazing,” ayon kay Fajardo.
“Subalit hindi masyado umusad yung kaso na ‘yan dahil immediately tinransport po yung namatay na biktima sa kanyang tahanan dito sa Bataan at kahapon nga po nagkaroon ng magandang development diyan dahil isang witness po ang lumutang na nagsasabing mayroon po siyang alam at impormasyon dito sa nangyari dito sa biktima,” anang opisyal.
“At kahapon po kinukuhanan na siya ng statements at within this week or if not today po probably early next week ay makakapagsampa na tayo ng kaso laban doon sa mga identify na suspects,” patuloy niya.
Nitong Huwebes, nanawagan ng hustisya ang ina ni Baguio kaugnay sa sinapit ng kaniyang nag-iisang anak na 20-taong-gulang.
Lumapit ang ginang sa Public Attorney's Office para makapagsampa ng demanda laban sa mga sangkot sa pagkamatay ni Baguio.
Sa death certificate, lumalabas na namatay si Baguio dahil sa Severe Acute Respiratory Distress Syndrome Secondary to Indirect Lung Injury, Acute Kidney Injury secondary to Rhabdomyolysis, at Acute Kidney Injury secondary to Rhabdomyolysis.
Nakitaan ng mga sugat at pasa ang likod ng kaniyang mga hita nang isugod siya sa ospital kung saan siya binawian ng buhay.
Samantala, nakita naman noong Martes sa mababaw na hukay sa Imus, Cavite ang katawan ni Salilig.
Anim na suspek na ang kinasuhan ng Biñan City police kaugnay sa pagkamatay ni Salilig.—FRJ, GMA Integrated News