Nasagip ang pitong freelance models, kabilang ang isang menor de edad, matapos silang pangakuang sisikat pero ipinain pala sa sex trafficking.
Sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, mapapanood ang ginawang pag-aresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-National Capital Region sa bugaw na si Diane Manarang, matapos niyang tanggapin ang mahigit P100,000 marked money.
Sinabi ng NBI na sa online ang transaksiyon kung saan pinangangakuang sisikat ang mga modelo kung susunod sila sa utos ng suspek.
Nagpapakilala ang suspek na may koneksiyon sa films at magazines.
Ayon sa NBI, isang bonus ng suspek ang pag-aalok ng seksuwal na serbisyo mula sa models, kung saan naglalaro ang bayad mula P20,000 hanggang P200,000.
“False accusations po lahat ‘yun kasi event model po talaga kaming lahat and lahat ng ito is setup lang po kasi may mga taong inggit sa akin,” depensa ng suspek.
Nasa NBI na ang cellphone ng suspek, na naglalaman ng mga ebidensya at listahan ng kaniyang mga parokyano. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News