Ang inaakalang simpleng pananakit lang ng tiyan, isa na palang malalang tumor na nakita sa obaryo ng isang 29-anyos na babae sa USA.
Ang mas ikinagulat pa ng mga doktor, nakitaan din siya ng mahigit 100 pang bukol sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing tiniis ni Victoria Grande ang pabalik-balik na pananakit ng kaniyang tiyan sa loob ng 10 taon.
Sa tuwing nagpapa-checkup, sinasabihan lamang umano siya ng mga doktor na mayroon siyang constipation.
Pero noong Abril 2022, lumaki na nang husto ang kaniyang tiyan at hindi na siya halos makatayo sa sobrang nitong pananakit.
Nang sumailalim sa CT scan, nakita ang isang tumor o bukol na 11 sentimetro na ang laki sa kanang obaryo ni Grande.
Posible nang nagtuloy-tuloy ang paglaki ng tumor sa nakaraang 28 taon.
Napag-alaman ng mga doktor na may sakit na growing teratoma syndrome si Grande.
“They told me [the tumor] had hair and skin. It was crazy to me. It had been growing for 28 years, but so slowly. It was hard to detect,” sabi ni Grande.
“They told me it was like wrapping around my ovary and cutting off my blood supply. The cyst was so big it was pushing my organs up and it was like I was 20 weeks pregnant inside my body,” sabi pa niya.
Inalis ng mga doktor ang tumor, na lumalabas na malignant o cancerous base sa biopsy.
Sumailalim pa sa maraming test si Grande, at lalong ikinagulat ng mga doktor na may mahigit 100 tumor na ring tumutubo sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.
Tumagal ng 10 oras ang operasyon ni Grande kung saan tinanggal din ang ilang bahagi ng kaniyang baga, kanang fallopian tube, kanang obaryo, gallbladder at appendix.
Sumailalim din si Grande sa anim na rounds ng chemotherapy, na natapos noong Oktubre 2022.
Sa ngayon, wala nang trace ng iba pang tumor sa katawan ni Grande.
Sinabi ng mga doktor na ang growing teratoma syndrome ay isang uri ng tumor na posible ring magkaroon ng muscle, ngipin o buto. Nabubuo ito mula sa germ cell na siyang nagiging ibang uri ng cell.
Patuloy ang pag-aaral ng mga siyentipiko sa sanhi ng teratomas sa katawan ng isang tao. —LBG, GMA Intregrated News