Bukod sa pangit sa paningin, delikado rin ang sala-salabat na kawad o mala-spaghetti wires ng mga telecommunications company sa Valenzuela City kaya inatasan sila ng lokal na pamahalaan na ayusin ang mga ito.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing nagkaroon kamakailan ng aksidente matapos na sumabit ang isang rider sa nakalaylay na kable.
Ayon kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, gabi nang mangyari ang pagpulupot ng kable sa rider na masuwerteng nakaligtas.
Para sa kaligtasan ng mga tao, inobliga ng lokal na pamahalaan ang mga telco at internet providers na maglaan ng mga tauhan para sa linisin ang mga kable tatlong beses kada linggo.
“Kung hindi ho nila naayos ang kable na yun at lalong lalo na kung may naaksidente, bibigyan po natin ng malaking penalty po itong utility companies natin,” babala ng alkalde.
Bukod sa mga aksidente, peligroso rin na maaaring pagmulan ng sunog ang ang spaghetti wires.
“Ang panganib siguro niyan is pagka merong natalupan na kawad, sigurado sunog lahat yun at puwede rin mag-cause ng sunog [sa mga kabahayan],” ayon kay Vic Esteban, pinuno ng Valenzuela Water Supply and Other Utilities.
Plano na rin umano ng lokal na pamahalaan na maglabas ng kautusan para sa mas mahigpit na pagpapatupad sa maayos na paglalatag ng mga kable.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News