Nasawi ang isang 13-anyos na lalaking mag-aaral matapos siyang barilin habang papauwi mula sa eskuwelahan sa Pikit, Cotabato. Ang 12-anyos niyang kasama, sugatan.
Base sa police report ng Pikit Municipal Police Station, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Gli-gli nitong nakaraang Martes.
Naglalakad umano ang mga biktima sa gilid ng irrigation lining nang barilin sila ng salarin, na kaagad tumakas.
Nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa iba't ibang bahagi ng katawan ang nasawing biktima. Isang tama naman ng bala sa braso ang tinamo ng nasugatang niyang kasama, ayon sa pulisya.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen, napag-alaman na kalibre 5.56 mm at kalibre 7.62 mm na mga baril ang ginamit ng salarin.
May person of interest na ang mga pulis batay sa testimonya ng mga testigo.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ng Cotabato Provincial Police Office na kinilala na ng mga testigo ang suspek.
Inihahanda na ang reklamong isasampa laban sa suspek.
Sa isang pahayag naman nitong Miyerkules, sinabi ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, na nakikipag-ugnayan sila sa National Security Adviser Eduardo Año at Department of National Defense Secretary Carlito Galvez Jr., para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.
Inatasan ni Abalos na mismong si Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang manguna sa naturang imbestigasyon sa kaso na itinuturing niyang heinous crime.--FRJ, GMA Integrated News