Arestado ang isang lalaki sa Quezon City nitong Lunes ng gabi matapos siyang mahulihan ng mahigit P7 milyong halaga ng hinihinalang shabu.
Nakilala ang suspek na si Ian Torres na nahuli sa buy-bust operation sa FPJ Avenue, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita.
Ang suspek ay ikalawang most wanted drug personality ng Quezon City Police District (QCPD).
Nakuha sa kanya ang isang kilo at 50 gramo ng hinihinalang shabu na nakasilid sa paper bag. Tinatayang nagkakahalaga ito ng mahigit P7.1 milyon.
"Matagal ng operation siya at matagal na ring sinusubaybayan ng ating DDEU [District Drug Enforcement Unit] 'yan. May mga ilang test buys na rin sila at may mga surveillance. Close surveillance ang ginawa namin diyan, intensive surveillance hanggang sa maka-collect kami and napagkatiwalaan," ani QCPD district director Police Brigadier General Nicolas Torre III.
Dati na rin nakulong ang suspek dahil sa mga kasong patungkol sa ilegal na droga.
Ayon kay Torre, maraming customer ang suspek.
"Marami siyang binabagsakan dito sa Quezon City at sa nearby cities sa Metro Manila at mayroon ding mga customer siya sa iba't ibang kalapit probinsiya," aniya.
"Wala akong masabi, sir," saad naman ng suspek.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya upang matunton kung saan nanggagaling ang supply ng droga. —KG, GMA Integrated News