Nahuli-cam ang pagbitbit ng isang lalaking suspek sa laptop ng isang doktor sa isang ospital sa Maynila nitong Enero 28.
Sa kuha ng CCTV video ng ospital na ibinahagi ng Manila Police District - Special Mayor's Reaction Team, makikita ang isang lalaki na umakyat sa hagdan at pabalik-balik sa facilities ng ospital, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Palinga-linga ito at pumasok siya sa kuwarto na pahingahan ng mga doktor at nurse. Makaraan ang ilang sandali ay nakita ang suspek na may hawak na laptop.
Pinilit pa niyang itago sa suot niyang shirt at shorts ang laptop.
Pag-aari pala ito ng isang lalaking doktor na pumunta sa Manila Police District para magreklamo.
"3 o'clock in the morning, I went back to the call room. Then 'yon, nagpahinga, nakatulog. Then nagising ako around 5:30 in the morning, tried to look for my phone to check for any board calls or referrals, and then 'yun, I could not find my phone anymore. And I tried to check and look for my laptop, wala rin," kuwento niya sa GMA Integrated News.
Gamit ang built-in app sa kanyang cellphone para matunton ito, napag-alamang nasa bandang Tondo, Maynila na ang kanyang telepono.
Nakatanggap din ang biktima ng mga notification na ginamit ang kanyang e-wallet account sa isang gasolinahan.
Sa pagsisiyasat ng mga pulis, nakita sa CCTV ang plaka ng sasakyang ginamit sa gasolinahan.
Sa pag-trace nila ay nahanap ng mga pulis ang suspek na gumamit ng e-wallet ng doktor. Nakilala ang suspek na si Andrian Sabido.
Ginamit ni Sabido ang e-wallet ng biktima hindi lang para magpagasolina; para rin sa pagbili ng speaker na nagkakahalaga ng P38,000.
Ani Sabido, e-wallet lang ang napag-interesan niya. Nagagamit daw ang e-wallet sa ibang cellphone.
"Nali-link namin sa ibang phone 'yung Gcash nila. Tapos pumapasok ang OTP. And then 'pag nakukuha namin ang birthday nila, tina-try po namin," aniya.
Nang tanungin kung paano nakukuha ang birthday ng biktima, ang sagot niya ay: "Nabubuksan namin ang email."
Natunton pa ng mga pulis ang iba pang mga suspek.
Si Jomar Teodoro ang natuntong bumili ng cellphone ng biktima sa halagang P10,000.
Hindi raw niya balak ito ibenta dahil gusto niya itong gamitin. Pinapatanggal niya sa iba ang password sa cellphone.
Nahuli rin ng mga pulis ang nagbenta ng cellphone kay Teodoro. Kinilala siyang si Rodolfo Espina, alias Opoy.
Naituro rin ng suspek ang mismong nagnakaw ng laptop at mga cellphone ng biktima. Siya ay si Mark David Rellores, alias Makmak.
Umamin si Rellores na siya ang nagnakaw ng mga gamit ng doktor. Nangailangan daw siya ng pangtustos sa dalawa niyang anak.
Ayon sa mga pulis, si Rellores din ang nakuhanan ng CCTV na nagnakaw ng tatlong cellphone mula sa kuwarto ng isang pasyente sa parehong ospital nitong Enero 17.
Itinanggi naman ito ni Rellores.
Itinanggi rin ng mga suspek na magkakasabwat sila.
Nabawi na sa mga suspek ang laptop at dalawang cellphone ng doktor.
Nakakulong na ang mga suspek sa opisina ng Special Mayor's Reaction Team ng Manila Police District. —KG, GMA Integrated News