Hinirang ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. si Valenzuela Representative Rex Gatchalian bilang bagong pinuno ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon sa Presidential Communications Office, nanumpa si Gatchalian sa kaniyang bagong posisyon nitong Martes, January 31.

Bukod sa pagiging kongresista, nagsilbi rin noon na alkalde ng Valenzuela si Gatchalian. Kapatid niya ang kasalukuyang alkalde ng lungsod na si Wes, at ang senador na si Sherwin.

Sa kaniyang tweet, sinabi ni Rex Gatchalian na magtatalaga ng "caretaker" ang liderato ni Speaker Martin Romualdez para sa kaniyang distrito.

"Please don't worry. Business as usual. A caretaker will be appointed by the House of Representatives in the coming days," anang bagong kalihim.

Bago ang paghirang kay Gatchalian, pinamunuan ni Eduardo Punay ang DSWD bilang Officer-in-Charge (OIC) matapos na hindi makalusot sa Commission on Appointments ang unang itinalaga ni Marcos sa naturang puwesto na si Erwin Tulfo.—FRJ, GMA Integrated News