Sa halip na mapaganda at umayos, tumagilid at naging kagaya pa umano ng sa baboy ang ilong ng isang lalaki matapos pumalpak ang kaniyang rhinoplasty. Masolusyunan pa kaya ito ng mga eksperto?

"Way back 2010, pangarap ko na pong magpa-rhinoplasty. Lagi akong nare-reject tapos nabu-bully din po ako kasi hindi po ako attractive," sabi ni Alfred Guanzon sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Ian Cruz.

Nang magkapera, nagpatingin sa cosmetic surgeon si Guanzon. Ngunit hindi nagustuhan ni Guanzon ang pagkakagawa ng kaniyang ilong matapos pumaling o tumagilid ang bridge nito.

"'Yung pinaka-problem niya po is hindi po kasi pantay ang alar niya tapos 'yung bridge ko hanggang dito (aabot sa kilay) na, sobrang tangos ng gawa. Noong first day, maganda siya. Pero noong natanggal na 'yung swelling niya, medyo lumiit siya na bumalik. Hindi pantay ang alar ko talaga," sabi ni Guanzon.

Pero para sa pangarap ng perpektong ilong, ipinaulit ni Guanzon ang pagpapagawa sa doktor matapos ang limang buwan.

"Lalong nagkaroon ng problem. Ang in-advice sa akin ni doc, lagi kong i-massage, ginagawa ko naman palagi. 'Yung first revision sa akin is pumangit lalo doon sa nauna. Parang nose siya ng baboy, para siyang maga na hindi ko siya mawari," sabi ni Guanzon.

"Kung pangit 'yung ilong ko before mas pangit 'yung first revision sa kaniya," dagdag niya.

Umabot na sa P150,000 ang nagastos ni Guanzon. Dahil sa pumalyang operasyon, labis na naapektuhan si Guanzon na laging umiinit ang ulo, hindi makausap ang mga tao nang maayos sa kaniyang paligid, at hindi mailabas ang pagkadismaya niya sa kaniyang doktor.

Hindi sumuko si Guanzon sa pangarap niyang magandang ilong, kaya muli siyang nagpa-rhinoplasty sa ikatlong pagkakataon.

Maayos pa kaya ng mga eksperto ang tumabinging ilong ng binata? Tunghayan sa Dapat Alam Mo! —VBL, GMA Integrated News