Nais ng Light Rail Manila Corp. (LRMC), ang namamahala sa Light Rail Transit 1 (LRT1), na magtaas ng singil sa kanilang pamasahe na aabot sa mahigit dalawang piso.
Sa ekslusibong ulat ni Joseph Morong sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing pumirma na ang Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) sa petisyon ng LRMC para sa dagdag pamasahe.
Isa ang LTFRB sa mga kailangang pumayag sa petisyon bago ang pinal na desisyon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista.
Batay sa dokumentong nakuha ng GMA Integrated News, P2.29 ang dagdag sa boarding fare at P0.21 sa kada kilometrong biyahe ang hinihiling ng LRMC.
Kaya ang pamasahe sa pinakamalapit na biyahe mula Roosevelt hanggang Balintawak, magiging P16 para sa stored value at P20 sa single journey ticket.
Ito ay mula sa dating P13 para sa stored value at P15 sa single journey ticket.
Ganito rin daw ang pinayagang dagdag singil sa pamasahe sa LRT Line 2.
Ayon sa ulat, ang pinakamalapit na pamasahe mula sa Recto hanggang Legarda station, mula sa dating P12 para sa stored value at P15 sa single journey, magiging parehong P15 na.
“Sang-ayon naman po kami sa P2 na increase nila. We also check on the needs of the riding public, malaki ‘yung demand but the cost is also rising. So, we have to come up with something that will at least break even the cost with services being rendered,” ayon kay LTFRB chairman Teofilo Guadiz III
Matapos sa LTFRB, dadaan pa raw ang resolusyon sa DOTR kung saan kailangan payagan at pirmahan ito ni Bautista bago tuluyang maipatupad ang dagdag singil sa pasahe.
“We are just one of the signatories and the final go signal will come from the secretary of the department of transportation,” ani Guadiz.
Hinihigan pa ng GMA Integrated News ng kanilang komento sina LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera at Bautista ukol sa resolusyon.
Taong 2015 pa nang huling pinayagan ang dagdag pamasahe sa LRT. Pero dati nang sinabi ni Bautista na panahon na raw para itaas ang pamasahe sa LRT.—Mel Matthew Doctor, GMA Integrated News