Nasakote ng mga awtoridad sa Muntinlupa City ang isang grupo na nambubugaw umano sa social media ng mga babae at lalaki, na menor de edad ang iba.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing nadakip sa operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek na si Michaela Laurel at tatlo pa niyang kasamahan sa isang resort kung saan isinasagawa umano ang transaksyon.

Narekober mula sa mga suspek ang markadong pera na ginamit sa operasyon ng mga operatiba ng NBI.

“Pino-post niya ang kanilang mga pictures online at dito mamimili ang customer. Afterwards, mag-meet na sila sa resort. Sasampahan natin sila ng paglabag ng human trafficking. Qualified because nga ang mga victims dito ay minor,” sabi ni NBI Spokesperson Giselle Garcia Dumlao.

Nasagip ang 13 babae, kabilang ang ilang menor de edad. Lima rito ay mga lalaking may edad 14 hanggang 15, at limang babae na may edad 16 hanggang 17.

“Sinama po kami para bibigyan din po kami, if ever po ng pera po,” paliwanag ng isa sa mga suspek na Vhastie Bishop.

Pinaalalahanan naman ng NBI ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak.

“Nakikita natin na ang mga biktima ngayon ay pabata na nang pabata. So hinihikayat natin ang mga magulang na bantayan ang mga activities ng kanilang mga anak,” ani Dumlao.--Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News