Pinawi na ni Melvin Jerusalem ang uhaw ng Pilipinas na pagkaroon muli ng boxing world champion matapos pabagsakin ang kalabang Japanese, at sungkitin ang WBO world minimumweight belt sa kanilang sagupaan sa Osaka, Japan nitong Biyernes.

Tumagal lang ng dalawang round ang laban ng bagong kampeon na si Jerusalem, 28-anyos, kontra kay Masataka Taniguchi, na idinaos sa EDION Arena sa Osaka.

Isang right straight ang pinakawalan ng Pinoy boxer na nagpabagsak sa hometown favorite na si Taniguchi. Sinikap pa ng Japanese fighter na tumayo pero muli siyang bumagsak.

Sapat na ito para itigil ng referee ang laban na may official time 1:04 sa second round.

Dahil sa panalo, umangat ang kartada ni Jerusalem sa professional record na 20-2 na may 12 knockouts. Habang may 16 wins, 11 KOs at apat na talo si Taniguchi. —FRJ, GMA Integrated News