Mga empleyado ng offshore gaming company (POGO) at biktima ng kidnap for ransom ang dalawang Chinese nationals na nakita ang bangkay na tadtad ng saksak at nakabalot ng garbage bag sa Imus, Cavite noong nakaraang Mayo.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing natagpuan ang katawan ng dalawang biktima sa ilang na bahagi ng Daang Hari Road, Pasong Buaya I sa Imus noong Mayo 2022.

Nakipag-ugnayan ang Imus Police sa PNP Anti-Kidnapping Group, Bureau of Immigration at National Bureau of Investigation, at nakilala ang mga biktima na edad 29 at 34 anyos.

Parehong taga-mainland China ang mga biktima at ilang araw nang nawawala bago nakitang patay.

Huling nakitang buhay ang mga biktima na lumabas ng isang night club, base sa isang kuha ng CCTV.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jun Alamo, hepe ng Imus Police, may kumausap umano sa dalawa na isang babae. Pagsakay ng sasakyan, nawala na ang mga biktima.

Dagdag ni Alamo, nakipag-usap umano ang mga dumukot sa pamilya ng mga biktima na sinasabing nakalustay ng malaking halaga.

Sinabi ng pulisya na humingi ng 300,000 Chinese yuan o katumbas ng P2.4 milyon na ransom ang mga dumukot sa mga biktima.

Nang mabigong maibigay ang ransom, dito na pinatay umano ang mga biktima.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, isang testigo ang nagturo sa puting luxury van na ginamit umano nang itapon ang mga bangkay ng mga biktima.

Natukoy na nasa Brgy. Tambo, Parañaque ang driver ng sasakyan na si Mark Anthony Zerudo, na dati nang inimbitahan ng pulisya para magpaliwanag.

Nitong Huwebes, sinampahan na si Zerudo reklamong murder. Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang kaniyang pahayag.

Inaalam pa ang mga kasama umano ni Zerudo sa krimen, habang nailipad na pabalik ng China ang bangkay ng mga biktima.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News