Humingi ng paumanhin si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa mga naapektuhan sa ilang oras na shutdown ng Philippine airspace noong Linggo, araw mismo ng Bagong Taon.

"I'm sorry, we have to apologize to our kababayans, especially those who came from abroad dahil limitado ang kanilang bakasyon...nawala 'yung dalawa o tatlong araw eh," ani Marcos.

"Kami ay humihingi ng inyong paumanhin at gagawin namin ang lahat upang hindi na maulit ito," patuloy niya.

Isang araw matapos ang kaniyang state visit to China, nagsagawa ng ocular inspection si Marcos sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Nag-ulat din sa kaniya ang mga opisyal tungkol sa nangyari sa Philippine Air Traffic Management Center (ATMC), na dahilan ng ilang oras na pagsasara ng airspace ng bansa.

Ayon sa pangulo, tinugunan naman umano ng mga awtoridad at airport officials ang pangangailangan ng mga naapektuhang pasahero.

"Hindi naman sila basta pinabayaan na lang at we left them to their own devices. We try to support them in every way. We were giving... we were able to give... magpakain nga and then the malasakit packs that MIAA has," ani Marcos.

"The most important thing is makarating na sila doon sa kanilang talagang destination," ayon pa sa pangulo.

Tinalakay umano niya sa mga opisyal ang mga kailangang hakbang para hindi na maulit ang insidente.

"Right now we can say the system was down for about six and a half hours on January 1 at nakabalik naman kaagad. Ngayon ang pinag-usapan namin para hindi na mangyari ulit. Mayroong mga pieces of equipment na mukhang nagka-problema, kaya’t nagkaganito, kaya naputulan ng kuryente, kaya nag-down ‘yung buong system," sabi ni Marcos.

Nais ni Marcos na mas mabilis na maresolba ang problema sakaling maulit ang insidente.

"So kung mayroon mangyari ulit na ganito, mayroon tayo kaagad na kapalit. Hindi na tayo aabot ng anim na oras. Siguro mahaba na ‘yung ilang minuto lang," ani Marcos.

"Well, UPS is an uninterrupted power supply so for more or less dapat uninterrupted talaga. It’s extremely important especially during Christmas season at alam naman natin napakarami ng mga Pinoy na lumilipad mula sa abroad at pumupunta sa kani-kanilang mga probinsya," dagdag niya.

Inatasan ni Marcos si Transportation Secretary Jaime Bautista na bilisan ang pakikipagnegosasyon sa supplier na makatutulong para mapabuti ang sistema.

"Beyond that, is to have a proper backup system so if the whole system fails, like it did on January 1, we have a complete system ready to go. ‘Yun lamang, that might take a little time but that is something that we will try to fasttrack as quickly as possible," aniya.

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Senado at Kamara de Representantes sa nangyaring airspace shutdown.—FRJ, GMA Integrated News