Ibinasura ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mga espekulasyon na nagkaroon ng hacking sa air traffic management system na dahilan para isara ang Philippine airspace nitong Linggo.
Sa panayam ng Dobol B TV nitong Lunes, sinabi ni CAAP spokesperson Eric Apolonio na batid nila ang kumakalat na espekulasyon sa social media tungkol sa posibleng insidente ng hacking at hindi basta technical glitch ang nangyari sa sistema.
Ayon sa opisyal, "most well-secured facility" ng CAAP ang Communications, Navigation and Surveillance Systems for Air Traffic Management (CNS/ATM).
"Alam niyo po itong CNS/ATM, ito po yung pinaka-well-secured na facility ng CAAP. Hindi basta puwedeng makapasok dito at may redundancy at may mga camera kaya makikita kung may human intervention na nangyari," ani Apolonio.
Nitong Linggo na unang araw ng 2023, nasa 282 flights ang nakansela, naantala at na-divert dahil sa technical issue sa Philippine Air Traffic Management Center (ATMC) dakong 9:50 a.m.
Tinatayang 56,000 pasahero ang naapektuhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi ni CAAP Director General Manuel Tamayo, na isa sa uninterruptible power supplies (UPS) ang pumalya noong Linggo ng umaga, at kinailangang magkaroon ng troubleshooting.
Nang maikonekta sa power supply ang sistema, nagkaroon umano ng babala pagsapit ng tanghali dahil sa over voltage.
Naapektuhan nito ang very small aperture terminal (VSAT), na kailangan ding ayusin.
Ayon kay Apolonio, nakabalik na sa normal na operasyon nitong Lunes ng umaga ang lahat ng 44 na CAAP-operated airports maliban sa NAIA.
“Normal na po yung operations kasi ang problema lang po is yung recovery flights sa NAIA dahil talagang NAIA ang talagang marami talagang flights,” paliwanag niya.—FRJ, GMA Integrated News