Isang retiradong factory worker ang tumama ng mahigit P63 milyon sa Super Lotto 6/49 draw noong November 27, 2022. Ang mga lumabas na numero, napanaginipan niya raw noong pang 1995.
Sa isang pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sinabing mula sa Valenzuela City ang masuwerteng mananaya na tumama ng premyong P63,013,007.40.
Taong 1995 pa raw nang simulan na tayaan ng mananaya ang napanaginipan niyang mga numero na 05-42-40-03-25-35.
Pero sa kabila ng maraming taon ng pagtaya, four digits at balik-taya lang daw ang kaniyang napapanalunan.
"Noong nagkaroon ng lotto, inalagaan ko po ang mga numbers. 'Di ko naman po akalain na ngayon ko po makukuha ang jackpot," sabi ng bagong milyonaryo sa pahayag ng PCSO.
Dahil retirado na at napagtapos na rin ng pag-aaral ang mga anak, nais umano ng bagong milyonaryo na mag-enjoy sa buhay.
Nais din niyang magtayo ng negosyo.
P446-M SA ULTRA LOTTO, 'DI PA RIN TINAMAAN
Samantala, wala pa ring tumama sa draw ng Ultra Lotto 6/58 nitong Martes, December 20, 2022.
Ang lumabas na mga numero ay 32-34-19-06-27-35, at umabot na ang premyo sa P446,857,427.60.
Wala ring tumama sa kasabay nitong draw na Lotto 6/42, na ang mga lumabas na numero ay 42-13-09-15-24-32, at may jackpot prize na P33,742,504.20.
Habang sa isa pang draw na Superlotto 6/49, wala ring nakatama sa winning combinations na 33-37-04-19-02-16, na may premyong P16,025,912.20.--FRJ, GMA Integrated News