Umabot sa sampu na katao ang kumpirmadong nasawi sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa Barangay Putatan sa Muntinlupa City nitong Linggo ng umaga, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Nauna nang iniulat ng BFP na pitong indibidwal ang nasawi sa sunog.

Sinabi ni City Fire Marshall Fire Superintendent Eugene Briones na natagpuan ang mga biktima, na posibleng magkakamag-anak, sa una at ikalawang palapag ng bahay, ayon sa ulat ni Rod Vega sa Super Radyo dzBB.

Sa follow-up report, nilinaw ng BFP na apektado ang isang palapag na bahay na may katabing two-storey residential structure. Sampung indibidwal daw mula sa tatlong pamilya ang naninirahan doon.

Isang katao ang nananatiling nawawala, dagdag pa ng BFP.

Aabot naman sa halos P500,000 ang halaga ng pinsala sa ari-arian.

Ayon sa BFP-National Capital Region public information office, umabot sa first alarm ang sunog sa Larva Street, Bruger Subdivision dakong 9:02 a.m.

Idineklara itong fire under control ng bandang 9:25 a.m. at fire out ng dakong 10:25 a.m.

“Actually, isang bahay lang ang involved natin dito na dalawang palapag. Medyo malaki po ang bahay. ‘Yun nga po, meron tayong mga casualty, ayun ang mahirap doon. Isang pamilya ang nadamay dito, magkaka-pamilya,” saad ni Briones sa panayam sa Super Radyo dzBB.

Batay sa inisyal na ulat, binaggit din ni Briones na posibleng hindi nakalabas agad sa nasusunog na bahay ang mga biktima dahil tulog pa ang mga ito nang mangyari ang insidente.

Sa ngayon, patuloy pa ring inaalam ng BFP ang posibleng sanhi ng sunog.

Naroon na sa lugar ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operation. —Mel Matthew Doctor/KG/BM, GMA Integrated News