Napurnada ang panibago umanong panghoholdap ng isang lalaki sa Bacoor, Cavite nitong Martes ng tanghali matapos siyang masundan ng mga pulis. Ang suspek, sugatan nang paputukan ng mga pulis dahil nagtangka raw bumunot ng baril.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras,” kinilala ang suspek na si Chelito Cabe, 41, na sangkot sa mahigit labing-limang kaso ng panghoholdap sa Bacoor City at Imus.
Nahuli si Cabe bandang 12 p.m. sa Molino 3 sa Bacoor nang binalak nitong i-holdap ang isang delivery van ng sigarilyo.
“Series of robbery holdap dito sa Bacoor, not only in Bacoor but pati sa mga karatig na pook… actually marami na kasi talagang natira ito,” ayon kay Bacoor City Police chief Police Lieutenant Colonel Ruther Saquilayan.
Duguan sa tama ng bala ang tagiliran ni Cabe matapos bumunot ng kalibre .45 na baril.
“Noong time na ‘yun na nakita ng tropa na pabunot na ng baril, nagkaroon ng armed confrontation,” ani Saquilayan.
Ayon sa ulat, kung nagtagumpay si Cabe, mahigit P200,000 na pinagbentahan ng sigarilyo sana ang natangay niya mula sa mga biktima.
Samantala, sinabi ng awtoridad na paboritong biktimahin ng suspek ang mga delivery van ng sigarilyo tulad ng ginawa niya nitong December 7 sa Molino 3 kung saan P20,000 ang kanyang natangay.
Dagdag pa ng pulisya, namihasa raw si Cabe dahil marami sa dati niyang biktima ay hindi naman pormal na nagrereklamo.
“May kontak ito sa loob dahil every time na lang na lalabas doon niya nalalaman ang van kung saan pupunta. So that’s why nag-conduct kami ng follow-up surveillance regarding this matter. ‘Yung van na mismo ang sinundan naming,” ani Saquilayan.
Sa ngayon, nasa ospital si Cabe dahil sa tama ng baril pero sinabi ni Saquilayan na stable kondisyon na ito.
Maliban sa kasong holdap, may standing warrant of arrest din ang suspek sa Caloocan City sa kasong murder with robbery.—Mel Matthew Doctor/LDF, GMA Integrated News