Napilitang tumalon ang isang lalaki mula sa bintana ng tinutuluyan niyang hotel matapos ang pamamaril at pagpapasabog ng mga armadong kalalakihan sa establisimyento sa Kabul, Afghanistan.
Sa ulat ng GMA News Feed, makikitang tila nagdadalawang isip pa noong una ang lalaki kung lalabas siya sa bintana.
Ilang saglit pang lumambitin ang lalaki sa gilid.
Pero nang marinig na niya ang mga pagsabog, tumalon na siya sa bintana.
Sinabi ng mga awtoridad na walang habas na namaril ang mga umaatakeng kalalakihan sa loob ng hotel.
Sa isa pang video, makikita ang makapal na usok sa paligid ng hotel samantalang nasusunog ang ibabang palapag nito.
Dinig din ang sigaw ng mga tao na humihingi ng tulong.
Sinabi ng mga saksi na nagtuloy ang barilan matapos ang mga malalakas na pagsabog.
Hindi agad tinukoy ng mga imbestigador ang motibo sa pag-atake pero sinabi ng mga nakatira malapit sa lugar na mga Chinese ang karamihan sa mga guest sa hotel.
Sinabi ng tagapagsalita ng Islamic Emirate of Afghanistan na wala silang naitalang nasawi sa mga dayuhan, pero may napaulat na dalawang sugatan matapos nilang tumalon mula sa bintana ng hotel.
Ilang pang insidente ng pag-atake ang naitala sa Afghanistan nitong nakaraang buwan, kung saan inako ng mga rebeldeng ISIS ang ilan.
Siniguro ng Taliban na tinututukan nila ang seguridad sa kanilang bansa. — VBL, GMA Integrated News