Maluha-luhang inalala ng isa sa mga lola na nakaligtas sa trahediya sa Tanay, Rizal ang sinapit nila matapos na tangayin ng rumaragasang baha sa ilog ang kanilang jeep. Ngunit kabilang ang kaniyang apo sa walong nasawi, at wala umanong laman na P4,600 ang nakuha niyang ATM card para sana sa ayuda.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, isinalaysay ni Nelia delos Reyes ang nangyari nitong Sabado ng gabi habang papatawid sila sa ilog papuntang Barangay Santa Ines matapos gabihin sa pag-uwi dahil sa dami umano ng kumuha ng financial aid mula sa Department of Social Welfare ands Development (DSWD).
“Nakita namin 'yung baha dumadating na. Ang laki nga. Hindi naman namin maiurong na 'yung jeep… Nagpulasan na itong mga senior citizens, nung magpulasan na, mga nahimatay na sa loob, mga senior. Ngayon, umaanod na sila. Patay na 'yung iba,” ani Delos Reyes.
Batay sa inisyal ng imbestigasyon, dumadaan sa pangalawa sa pitong ilog na kailangang tawirin ang 25 pasaherong lulan ng jeep nang tumaas ang tubig sa Lanatin River.
Walong indibidwal ang namatay sa insidente — ang pinakamatanda ay 92 na taong-gulang, habang ang pinakabata ay apo ni Delos Reyes na si Myller Kit, apat na taong gulang.
“Aakyat na lang ako sa bubong. Iaakyat ko 'yung apo ko, tinamaan ako ng malaking alon. Naanod kami. Nabitawan ko ang aking apo. Napakasakit po. Gusto ko na nga rin sana magpakaanod eh na-rescue nila ako. Sabi ko nga 'wag na ako. Pabayaan niyo na ako.’ Tatalon na rin ako sa sobrang sakit,” saad ni Delos Reyes.
Tulad ni Delos Reyes, nawalan din ng mahal sa buhay si Santiago Quinto matapos mamatay ang kaniyang asawa sa trahedya.
Aniya, may pinaglalaanan na silang paggagamitan ng P4,600 na halaga na makukuhang ayuda para sa Pasko.
“Nadaganan siya. Naapak-apakan pa siya. Naanod pa siya. Malayo ang inanuran. Papasko sana namin 'yun. Wala na napurnada lahat…Natangay din pati cellphone, payong, bag niya,” dagdag pa niya.
Nakuha raw ni Delos Reyes ang kaniyang ATM card pero sinabi niya na wala itong laman.
“P4,600 raw ang makukuha, nabigyan kami ng ATM pero wala namang laman,” saad niya.
Sinabi ni Romel Lopez, tagapagsalita ng DSWD, na pinapatingnan na niya kung napondohan na ang ATM card ni Delos Reyes.
Dahil sa nangyaring aksidente, sinabi ng mga pamilya ng mga biktima na dapat ipamahagi na lang ang ayuda sa kanilang mga tahanan.
“Dapat ipahatid na lang dito. Kasi mahirap pauwi-uwi. Mahirap magtawid-tawid. Pitong ilog 'yan na dadaanan,” sambit ni Quinto.
Samantala, nanawagan ang lokal na pamahalaan ng Tanay sa DSWD na puntahan din ang mga benepisyaryo sa kanilang lugar tulad ng kanilang ginagawa.
“Mga senior na ito eh. Mga katutubo ito, mga IPs (indigenous people). Alam naman natin, puro tuturuan mo, ia-assist mo 'yan. Kaya medyo nakabagal ng payment ng DSWD thru Landbank. Dahil mayroon kasing agreement ang DSWD at Landbank na sila ang mag-disburse,” saad ni Tanay Mayor Rafael Tanjuatco.
“Siguro, padaanin na lang sa local MSWD na katuwang ang Municipal Treasurer’s Office,” giit pa niya.
Sinabi naman ni Lopez na nirerepaso na nila ang panuntunan sa pamamahagi ng ayuda.
“Inaayos na po natin ang ating magiging guidelines. If there’s any threat of possible na sama ng panahon, ngayon po agaran na rin namin sususpindihin o ipatitigil o ireschedule ang mga nakatalaga natin na mga payout, mga cash assistance,” diin pa niya.
Binanggit din ni Lopez na magbibigay ang DSWD ng psychosocial counseling at cash assistance sa mga kaanak ng biktima.
Hiniling din sa pamahalaan ng mga residente na gumawa sana ng mga kalsada upang hindi na sila tumawid pa sa mga bundok at ilog.
“Gusto sana namin ‘yung wala na kaming tatawirin na ilog,” ani Delos Reyes.
Ayon kay Tanjuatco, pinaghahandaan na nila ang paggawa ng mga kalsada.
“Hinihingi pa namin ang clearance niyan sa PAMB (Protected Area Management Board) sa DENR. Kasi under tayo ng protected area, ‘yang Kaliwa River, Kaliwa Dam na ‘yan. Kaya lahat ng pagawain, dadaan sa PAMB,” aniya pa.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News