Umabot sa ika-apat na alarma ang sunog sa isang residential area sa Barangay Don Bosco, Parañaque City nitong Lunes ng hapon. Nagliyab naman ang malaking Christmas tree sa isang mall sa Bonifacio Global City sa Taguig City.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region, nagsimula ang sunog sa San Lorenzo Ruiz, Doña Soledad Avenue sa Parañaque City bandang 3:32 p.m.

Mabilis na kumalat ang apoy at itinaas hanggang sa ika-apat na alarma pagsapit ng 3:56 p.m.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Super Radyo dzBB, sinabing gumapang ang apoy papunta sa isang bangko sa kahabaan ng Doña Soledad Avenue.

Nabahala rin ang isang fast food restaurant sa naturang lugar dahil baka abutin ng apoy ang kanilang gas line.

 

 

May narinig rin na ilang pagsabog mula sa nasusunog lugar, ayon pa sa ulat.

Tumagal ng halos apat na oras ang sunog bagong idineklarang fire under control dakong 7:17 p.m.

Wala naman napaulat na nasugatan o namatay sa insidente.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang halaga ng pinsala sa ari-arian at kung ano ang pinagmulan ng apoy.

Samantala, nasunog naman ang Christmas tree na nasa open area sa ika-apat na palapag ng Uptown Mall sa Bonifacio Global City sa Taguig City.

Ayon sa Taguig City Fire Station, itinawag sa kanila ng isang concerned citizen ang insidente nang makitang magliyab ang Christmas tree dakong 5 p.m.

Naapula naman ang sunog pagkaraan lang ng ilang minuto. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News