Natagpuang patay at tadtad umano ng saksak maging sa maselang bahagi ng katawan ang isang 19-anyos na babae sa Cainta, Rizal. Hinihinala ring ginahasa ang biktima, at ang binasted niyang manliligaw ang itinuturong suspek sa krimen.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Cristine Avila, na natagpuang patay noong gabi ng December 5.
“Ang dami po talagang saksak. Pati ari niya sinaksak, pati pusod niya dito sa tagiliran pinaghiwa-hiwa pa siya. Pati tenga niya ang daming butas, pati ngipin niya tanggal ang isa,” ayon kay Evangeline Abbot, ina ng biktima.
Ayon sa ulat, December 4 ng hapon nang magpunta si Cristine sa inuupahang bahay ng kaibigan niyang babae.
Pero pagsapit ng gabi, nakarinig ng sigawan ang mga kapitbahay.
“’Yung anak ko humingi ng saklolo, bandang 7:30 p.m.,” ayon kay Abbot.
Ilang saglit pa, nakita raw ng mga testigo na nagmamadaling lumabas bahay ang isang lalaki. Matapos pa ilang minuto, isa pang lalaki ang nakitang lumabas.
Nakuha sa crime scene ang isang bag na may ID ng isang nagngangalang Khalid Sarip, na itinuturing suspek sa karumal-dumal na krimen.
“Siguro nagkaroon sila ng komosyon at nanlaban siya. Kaya inisip ng suspek na baka ito ay makapahamak pa sa kanya, kaya minabuti na niyang sinaksak na,” saad ni Cainta Police chief Police Lieutenant Colonel Ruben Piquero.
Lumabas sa imbestigasyon na nanliligaw si Sarip sa biktima pero sinasabing binasted niya ito.
“Nagkuwento itong si Cristine sa kaibigan niya, na ito raw na sumaksak sa kaniya, nanliligaw kay Cristine. Ayaw ni Cristine,” sambit ni Abbot.
Nanawagan ng hustisya ang pamilya ng biktima, na nakatakdang ilibing sa Huwebes.
“Tulungan niyo po ako na mapabilis ang kaso ng anak ko kasi ililibing na po sa Huwebes wala pa po kami nangyayari sa kaso ng anak ko,” pakiusap ni Abbot.
Ayon naman sa mga awtoridad, naisampa na ang kasong rape with homicide laban kay Sarip.
Sinabi naman ni Piquero tungkol sa kaibigang babae ng biktima at isa pang nakitang lalaki galing umano sa crime scene, “Actually siya ‘yung isa sa magiging witness kasi namin. Kung makita namin na mayroong conspiracy sa pangyayaring ‘yun puwede namin siyang file-lan ng kaso.”
Patuloy na sinisikap na makuhanan ng panig ang naturang dalawang indibidwal. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News