Sa ikalawang pagkakataon, lalampasan muli ng Commission on Appointments (CA) ang kompirmasyon ni Erwin Tulfo bilang kalihim ng Social Welfare and Development (DSWD). Dahil dito, kailangan na muling italaga ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. si Tulfo sa naturang posisyon.
"He will be bypassed this coming month and then he'll have to be reappointed by the President shortly after that," sabi ni Senate President Juan Miguel sa mga mamamahayag nitong Lunes.
Nakatakdang mag-adjourned sa December 17, 2022 ang Kongreso hanggang January 22,2023. Dahil dito, wala ring deliberasyon ang CA na binubuo ng mga kongresista at senador.
Unang nilampasan ng CA ang pagkumpirma sa nominasyon ni Tulfo bilang kalihim ng DSWD noong Nobyembre. Kaugnay ito ng kuwestiyon sa kaniyang American citizenship at pagkakaroon ng hatol na guilty tungkol sa mga kasong libelo.
Sa naunang mga pahayag, sinabi ni Tulfo na binitiwan na niya ang kaniyang American citizenship, habang nakaapela naman ang desisyon sa mga kaso niyang libelo.
Ayon kay Zubiri, nag-imbita ang CA ng mga incumbent at retired justices para hingan ng pananaw tungkol sa citizenship at conviction ni Tulfo.
Sinabi ni Zubiri na inamin umano ni Tulfo na ginagamit pa niya ang American passport hanggang noong 2021.
Dapat umanong magpakita si Tulfo sa CA panel ng karagdagang dokumento para patunayan na hindi na siya American citizen.
Tungkol sa mga kasong libelo, sinabi ni Zubiri na tinitimbang kung bahagi ng itinuturing crime involving moral turpitude ang hatol kay Tulfo.
"May implication [ang conviction]. The CA has never confirmed anyone that has a final conviction. Not on my watch na hindi natin pag-aralan nang mabuti," pahayag ng lider ng Senado.
"Pag-aralan muna natin nang mabuti ang legal implications niyan because it's moral turpitude e. Now, there had been legal precedents by the Supreme Court on moral turpitude on the issue of libel," dagdag niya.
Nang tanungin si Zubiri kung iiral ang usapin ng moral turpitude sa mga itinatalagang opisyal gaya sa mga inihalal na opisyal, sabi ng senador na dapat itong ipatupad sa lahat.
"I like Secretary Tulfo. I'll be honest about it.... Gusto ko siya. Masipag siya. Sayang. Nasasayangan ako sa kaniya... but we have to perform our constitutional mandate to make sure we vet out the members of the Cabinet that have no legal impediments," ayon kay Zubiri.
"There are legal impediments and there are legal issues that we still have to resolve... It's not over yet. We still have hearings. Hopefully, we will be able to fix all these legal impediments," patuloy niya.
Sa panayam sa telepono, inamin ni Tulfo na pinal na ang libel conviction niya. Gayunman, may paliwanag umano sa CA ang kaniyang legal team sa usapin ng moral turpitude.
"That's correct po. The conviction is final before the Supreme Court pero medyo complicated nga po 'yang kaso na 'yan," ayon sa kalihim.
"Yung sinasabi po nila kasing case ko po tungkol sa moral turpitude ay iba naman po kasi dun sa status ko, di po kasi ako elected, appointed po ako. Nevertheless po, ayoko hong i-complicate 'yung kanilang decision, pag-aaral po diyan," dagdag niya.
Nakahanda na rin umano siyang magsumite sa CA ng mga dokumento mula sa US Immigration tungkol sa kaniyang citizenship.
"Gusto ko ho sanang ibigay diretso 'yung aming documents from the US Immigration sa CA, pero I will not confirm nor deny 'yung sinasabi mong I've never been [a US citizen], kasi may parang may sinasabi initially ang US immigration na we failed to submit pertinent documents. Thereby, medyo complicated nga 'yung situation sa citizenship ko," paliwanag niya.
Tiniyak ni Tulfo masasagot niya sa CA ang dalawang isyu na nagiging sagabal sa kaniyang kompirmasyon.
"We are ready...we are just waiting for another schedule," anang kalihim.—FRJ, GMA Integrated News